Covid-19 Testing FAQs

Bicol Medical Center COVID-19 testing FAQS

Isa ang Bicol Medical Center sa dalawang testing centers sa Region 5 na inatasan ng Department of Health na magsagawa ng Coronavirus 2019 (COVID-19) test. Nandito kasi ang tinatawag na CoVID-19 GeneXpert Laboratory na nakakuha ng lisensya noong Mayo 28 mula sa Health Facility and Services Regulatory Bureau (HFSRB). Narito ang ilan sa madalas na tanong kaugnay ng COVID-19 GeneXpert Laboratory o COVID-19 testing sa BMC.

 

Ano ang COVID-19 test na ginagawa sa Bicol Medical Center?

SAGOT

Tinatawag na Rapid Polymerase Chain Reaction (Rapid PCR - GeneXpert) ang test na isinasagawa sa Bicol Medical Center. Tinutukoy sa test na ito ang mismong virus na sanhi ng CoVID-19, ang SARS – CoV-2.

 

 

Ano ang kinukuhang sample sa COVID-19 testing sa Bicol Medical Center?

SAGOT

Sa BMC, ang test sample ay kinukuha sa looban ng ilong ng isang tao. Ito ang tinatawag na Nasopharyngeal Swab (NPS).

 

 

Sino ang maaaring magpa-swab test sa Bicol Medical Center?

SAGOT

Sa kasalukuyan, tanging mga CoVID-19 suspects na mayroon na mga sintomas ng sakit at mga taong may referral galing sa Infectious Disease Specialist at BMC Hospital Epidemiology Surveillance Unit (BMC HESU) ang maaring magpa-swab test sa BMC. Alinsunod ito sa Memo 2020-0376 ng Department of Health.

 

 

Tumatanggap ba ng walk-in ang Bicol Medical Center na nais magpa-COVID-19 test?

SAGOT

Sa ngayon, hindi po.

Kung ang isang tao ay na-expose sa taong COVID-19 positive o may sintomas ng sakit, maaari siyang tumawag o makipag-ugnayan sa nakakasakop na Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) o kaya sa City/Municipal Epidemiology and Surveillance Unit (CESU/MESU), Emergency Response Team (BHERT) o kaya sa City/Municipal Epidemiology and Surveillance Unit (CESU/MESU).

 

 

Paano ang OFW? maaari ba silang sumailalim sa COVID-19 testing sa Bicol Medical Center?

SAGOT

Ikinalulungkot po namin, pero sa ngayon, tanging mga emergency cases, may mga sintomas, mga tinatawag na vulnerable patients at mga contacts ng confirmed COVID-19 positive patient ang maaring sumailalim sa test sa BMC. Ito po ay pagsunod lamang sa DOH memorandum.

 

 

Sino ang maaaring magrefer ng taong isasailalim sa swab testing na nasa Bicol Medical Center?

SAGOT

Sa kasalukuyan, ang maaaring gumawa ng referral para isailalim sa swab testing sa BMC CoVID-19 GeneXpert Laboratory ang isang tao ay ang mga sumusunod:

• CESU Naga,

• Provincial Epidemiology and Surveillance Units- Camarines Sur

• Provincial Epidemiology and Surveillance Units-Camarines Norte, at,

• HESU (Hospital Epidemiology and Surveillance Unit) ng BMC.

 


Ano ang sunod na gagawin habang naghihintay ng resulta ng swab testing?

SAGOT

Inaabisuhan ang taong nagpa-swab test na mag-quarantine o isolate muna habang naghihintay ng resulta. Ito ay para isaalang-alang ang kaligtasan niya, ng kanyang pamilya at ng pamayanan.

 

 

Gaano katagal malalaman ang resulta?

SAGOT

Dahil Rapid Polymerase Chain Reaction (Rapid PCR - GeneXpert) ang ginagawa sa Bicol Medical Center, sa loob lamang ng 24-48 hours (1 hanggang 2 araw) ay malalaman na ang resulta ng test.

 

 

Paano malalaman o makukuha ang resulta ng swab test na ginawa sa Bicol Medical Center

SAGOT

Ang ahensya na gumawa ng referral para i-swab test ang isang tao ang inatasan na magpalabas ng resulta. Sa mga lugar na sakop ng serbisyo ng BMC, ito ay ang Provincial Epidemiology and Surveillance Unit ng Camarines Sur at Camarines Norte, City Epidemiology and Surveillance Unit ng Naga, at ang Hospital Epidemiology and Surveillance Unit ng BMC. Makakatulong ang pakikipagugnayan sa inyong Local Government Unit (LGU)

 

.

 

BABALA

Tanging ang Department of Health, sa pamamagitan ng PESU, MESU/CESU at HESU ng BMC ang pwedeng magbigay-alam sa isang tao kung siya ay positibo sa sakit na COVID-19.

Maging maingat at huwag basta-basta maniniwala sa tawag o mensahe na natatanggap. Mas makakabuti na sumangguni sainyong LGU.